Tinanggal na sa puwesto si Police General Nicolas Torre III bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), ayon sa kautusang inilabas ng Office of the President na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ang pagbabago ay epektibo kaagad, at inatasan si Torre na tiyakin ang maayos na turnover ng mga dokumento at impormasyon sa kanyang tanggapan upang mapanatili ang tuloy-tuloy na serbisyo ng PNP.
Si Torre ay itinalaga bilang PNP Chief noong Mayo 29, 2025, at sa ilalim ng kanyang pamumuno ay pinangunahan ng pulisya ang mga high-profile na operasyon na humantong sa pagkakaaresto nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy.
Bagama’t hindi pa opisyal na inanunsyo, matunog naman ang pangalan ng kapalit ni Torre na si Police General Melencio Nartates ang itinalaga bilang bagong PNP Chief.
Inaasahan na magbibigay siya ng bagong direksyon sa ahensya, lalo na sa mga isyu ng internal cleansing at pagpapalakas ng presensya ng kapulisan sa mga komunidad.
Ang biglaang pagbabago sa liderato ng PNP ay bahagi umano ng mas malawak na reporma sa hanay ng kapulisan.