-- Advertisements --

Bubuksan din sa mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan ang 1.2 million na sako ng bigas na isusubasta ng National Food Authority (NFA).

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, hinihintay na lang na matapos ang documentation requirements para sa auction na layong mapaluwag ang kanilang mga bodega at makabili muli ng mga bagong ani mula sa mga magsasaka.

Bukas din naman ang auction para sa lahat ng private entities.

Nasa P25 hanggang P28 pesos kada kilo ang floor price ng bigas, depende sa tagal na nitong nakaimbak, at ibinatay din sa presyo ng dumating na mga angkat na bigas.

Posible kasing hindi tangkilikin ang auction kung makabibili naman ng imported at mas bagong bigas.

Binigyang-diin naman ni Lacson na fit for human consumption pa ang mga bigas kahit laon o may kalumaan na ang ilan sa mga ito na ang iba ay nabili pa noong 2023.

Mas makakabuti umano ang pag-auction para may marekober pang pera ang gobyerno kasabay na rin ng pagbili ng bagong bigas mula sa mga magsasaka.