-- Advertisements --

Lumagda sa isang kasunduan ang Departmet of Agriculture (DA) at ang Department of Labor and Employment (DOLE) para maging beneisyaryo rin ng P20 rice program ang mga minimum wage earners ng bansa.

Ayon kay Assistant Secretary for Special Concerns and Official Development Assistance at Spokesperson Engr. Arnel De Mesa, nagkaroon agad ng kasunduan sa pagitan ng mga ahensya para gawing available rin ang pagbebenta ng P20 rice sa mga karaniwang mga manggagaw.

Nagkaroon narin aniya ng inisyal na talakayan sa pagitan ng mga departamento kung saan natukoy na nasa higit 120,000 na mga mangagawa sa buong bansa ang makikinabang sa ilalim ng programa.

Kasunod nito ay bibigyan din aniya ng DA ang mga manggagawa ng kakayahan na makabili ang mga ito ng hindi hihigit sa 10kilo ng P20 rice kada buwan bilang pandagdag na tulong ng ahensya sa kanila na nahihirapan itawid ang araw-araw dahil sa mababang sweldo.

Pagtitiyak ni De Mesa, naberepika na ang mga minimum wage earners na makikinabang sa programa at kasalukuyan nang isinasapinal ang magiging proseso ng distribusyon ng mga naturang bigas para sa mas mabilis na pag-access nila sa programa.

Sa ngayon nakadepende pa aniya sa DOLE kung madadagdagan ang inisyal na 120,000 na mga manggagawang nakatakdang maging benepisyaryo ng programa.

Aniya, kung titignan din 1.2 milyong kilo ang kabuuang maibebenta sa mga sakop ng sektor na ito.

Maliit na bahagi lamang din aniya ang masasakop nito mula sa 250,000 metric tons na buffer stock ng National Food Authority (NFA) na siyang gagamitin sa ilalim ng proyekto kaya naman pagtitiyak ni De Mesa, magiging sapat ang mga ito para sa kanilang pangangailangan.

Samantala, sa kasalukuyan ay wala pa namang anunsyo o iminungkahi si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. kung naiangat na ba ang deklarasyon ng food security emergency for rice sa bansa na siyang nangangahulugang epektibo pa rin ito hanggang sa ngayon.