-- Advertisements --

Tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nananatiling matatag ang suplay ng bigas sa bansa sa kabila ng pagtaas ng presyo ng langis at gastusin sa agrikultura dulot ng tensyon sa Middle East.

Ayon sa DA chief, ang posibleng 20% pagbaba sa produksyon ng palay ay itinuturing lamang na “worst-case scenario,” at hindi inaasahang mangyari dahil sa mga hakbang na ipinatutupad ng pamahalaan.

Dagdag pa niya, nakikinabang ang Pilipinas sa sapat na global rice supply, lalo na mula sa mga pangunahing exporters tulad ng India at Vietnam na kasalukuyang nasa peak harvest season.

Ayon sa kalihim halos puno ang mga imbakan ng National Food Authority (NFA), na nagsisilbing buffer stock ng bansa.

Naglaan din ang DA ng P10 billion assistance package para sa mga magsasaka at mangingisda, kabilang ang fuel subsidies at iba pang targeted interventions, na may prayoridad sa produksyon ng bigas.

Handa rin umano ang gobyerno na magdagdag ng hanggang P20 billion para sa farm inputs at P10 billion para sa tulong sa fisherfolk upang mapanatili ang kanilang kabuhayan.

Isinusulong din ng DA ang paggamit ng alternatibong solusyon tulad ng biofertilizers upang mabawasan ang pagdepende sa mamahaling agricultural inputs.