-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa pribadong sektor na sundin ang tamang pagbabayad ng holiday pay para sa darating na Hunyo 12 o Araw ng Kalayaan.

Batay sa inilabas na labor advisory ng ahensya, ang June 12 ay isang regular holiday alinsunod sa Proclamation No. 1006 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Dahil dito, ang mga empleyadong papasok sa trabaho sa naturang araw ay dapat makatanggap ng 200 percent o dobleng sahod para sa unang walong oras ng kanilang trabaho.

Kung lalampas naman sa walong oras ang kanilang duty, may karagdagang 30 percent na overtime pay batay sa kanilang hourly rate.

Para naman sa mga empleyadong hindi papasok sa trabaho, makatatanggap pa rin sila ng 100 percent ng kanilang arawang sahod basta’t nakapasok o naka-paid leave sila sa araw bago ang regular holiday.

Nilinaw rin ng DOLE na kung ang araw bago ang holiday ay tumapat sa rest day o non-working day ng kumpanya, maaari pa ring makatanggap ng holiday pay ang empleyado kung nakapasok o naka-paid leave ito sa araw bago ang naturang rest day.

Ayon sa ahensya, mahalagang masunod ng mga employer ang umiiral na labor standards upang matiyak na natatanggap ng mga manggagawa ang mga benepisyong itinakda ng batas.

Samantala, hinikayat ni Labor Secretary Francis Tolentino ang mga manggagawa na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na DOLE Regional Office kung may mga katanungan o reklamo kaugnay ng holiday pay at iba pang labor concerns.