Kinuwestyon ng mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila o PLM ang desisyon ng Board of Regents na pagkalooban ng honorary Doctor of Laws degree si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa joint statement ng PLM Supreme Student Council at 33 iba pang student councils at organizations, sinabi nilang hindi sila nakonsulta sa naturang pagkilala at maaaring makita itong pag-endorso sa administrasyon ni Marcos na patuloy umanong nahaharap sa mga isyu sa transparency, accountability at human rights.
Iginiit ng mga estudyante na dapat mas mataas ang pamantayan sa paggawad ng honorary degree kaysa sa posisyon o katayuan ng isang personalidad.
Ibinahagi rin nila ang kasaysayan ng PLM at ang alaala ni Liliosa Hilao, isang student journalist ng unibersidad na namatay habang nakadetine noong panahon ng Martial Law sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Si Marcos Jr. ay ginawaran ng honorary Doctor of Laws degree ng PLM noong Agosto 27 bilang pagkilala, ayon sa unibersidad, sa suporta niya sa mga proyekto ng paaralan, kabilang ang konstruksyon ng PLM Medicine and Allied Sciences Building.
Samantala, humingi rin ng paglilinaw ang PLM College of Law Student Council kung nasunod ang mga pamantayan ng Legal Education Board sa paggawad ng honorary degree.
Partikular nilang kinuwestyon kung natugunan ni Marcos ang requirement na dapat may baccalaureate degree o katumbas nito mula sa isang kinikilalang institusyon.
Ayon sa University of Oxford, hindi nakumpleto ni Marcos ang kanyang Bachelor of Arts degree sa Philosophy, Politics and Economics at sa halip ay iginawad sa kanya ang Special Diploma in Social Studies noong 1978.
Samantala, sinabi ni PLM Board of Regents Chair Edward Serapio na naninindigan siya sa paggawad ng honorary degree kay Marcos bilang pagkilala sa suporta ng Pangulo sa edukasyon at sa pagpapatayo ng bagong gusali ng unibersidad.
















