Nagpulong sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Russian President Vladimir Putin sa sideline ng ASEAN-Russia Commemorative Summit upang talakayin ang pagpapalawak ng kooperasyon sa kalakalan, enerhiya, agrikultura at seguridad sa pagkain.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng regular na konsultasyon sa pagitan ng dalawang bansa at sinabi na marami pang maaaring pagtulungan, lalo na sa enerhiya at seguridad sa pagkain.
Bilang chairman ng ASEAN, inimbitahan din ni Pang. Marcos si Pres. Putin sa ika-21 East Asia Summit na gaganapin sa Maynila sa buwan ng Nobyembre.
Samantala, sa panig naman ni President Putin kaniyang binigyang-diin na may matibay na tradisyon ng paggalang at pagkakaibigan ang Pilipinas at Russia. Binanggit din niya ang potensyal para sa mas malawak na kooperasyon sa kalakalan, agrikultura at enerhiya.
Ang pagpupulong ay isinagawa kasabay ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Russia.
Binanggit nito na noong nakaraang taon, lumampas sa kalahating bilyong dolyar ang halaga ng bilateral trade ng dalawang bansa.
Dagdag pa ni Putin, mayroon nang mga existing cooperation mechanisms ang Pilipinas at Russia, kabilang ang Joint Russia-Philippines Commission on Trade and Economic Cooperation, na maaaring magsilbing daan upang higit pang mapalawak ang ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa.
















