Tinatapos na ng Department of Agriculture (DA) ang draft bill na naglalayong palakasin ang kapasidad ng National Food Authority (NFA) na istabilisa ang presyo at suplay ng bigas.
Ayon sa DA, layunin ng panukalang batas na baguhin ang mga polisiya ng gobyerno at palakasin ang seguridad sa pagkain. Bibigyan din nito ang NFA ng awtoridad na gumawa ng agarang desisyon upang mapanatili ang suplay ng bigas.
Isa ito sa mga solusyon na hiniling ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez upang suportahan ang programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na P20 rice sa ilalim ng Benteng Bigas Meron na (BBM).
Sususugan din sa draft bill ang Rice Tarrification Law upang payagan ang NFA na magbenta at pangasiwaan ang kanilang buffer stock.
Sa pamamagitan ng regulasyon, bibigyan ng karapatan ang NFA na pangasiwaan ang buffer stocks para sa mabilis na distribusyon ng bigas, na magpapabilis at magiging episyente sa pagtugon sa pangangailangan ng publiko.