-- Advertisements --

Pinabubusisi ni Senator Imee Marcos ang umano’y paggamit sa government-controlled Planters Products, Inc. o PPI bilang “palusot” sa malawakang pag-aangkat ng bigas, sa kabila ng umiiral na limitasyon sa direktang rice importation ng pamahalaan sa ilalim ng Rice Tariffication Law.

Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos na naghain siya ng Proposed Senate Resolution No. 392 upang imbestigahan ang umano’y “kaduda-dudang” pagpasok ng milyun-milyong sako ng imported rice ng PPI, isang kumpanyang nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Agriculture (DAR)

Kinuwestiyon ng senador kung paano nakapag-import umano ang PPI ng halos P2 bilyong halaga ng bigas gayong nasa tinatayang P90 milyon lamang umano ang kita nito noong 2024.

“Nasa P90 milyon lang ang tinatayang kita ng PPI noong 2024, kaya paano ito nakapag-import ng halos P2 bilyong halaga ng bigas? Malinaw na ginagamit at inaabuso ang PPI upang pagkakitaan ang importasyon!” ani Marcos.

Batay sa mga ulat na binanggit ng senador, tinatayang nasa 1.7 milyong sako ng bigas na ang naipasok umano ng PPI mula India, Vietnam, Thailand at Myanmar sa magkakahiwalay na shipment mula 2025 hanggang 2026. May karagdagan pa umanong 1.5 milyong sako na paparating mula India, ayon sa Federation of Free Farmers.

Iginiit ni Marcos na dapat siyasatin kung ginagamit ang PPI bilang “backdoor” upang makapag-import ang gobyerno ng bigas, bagay na ipinagbabawal umano sa National Food Authority sa ilalim ng Rice Tariffication Law.

Kasabay nito, kinuwestiyon din ng senador ang umano’y kawalan ng public bidding sa mga transaksyon, na maaari umanong lumabag sa Government Procurement Reform Act.

Ayon pa kay Marcos, posibleng lalong maapektuhan ang lokal na mga magsasaka dahil sa patuloy na pagpasok ng imported rice.

“Dahil sa kagarapalan ng mga opisyal na ito, bagsak ang presyo ng lokal na palay at gutom ang aabutin ng ating 2.4 milyong magsasaka. Nasa P16 hanggang P17 kada kilo na lamang ang farmgate price ng palay!” saad niya.

Binigyang-diin din ng senador na mandato umano ng Department of Agriculture na suportahan ang lokal na produksyon at hindi magsilbing daan para sa mas malaking importasyon ng bigas.