Sisimulan na ng National Food Authority (NFA) ang pagbili ng sariwa at basang palay (fresh and wet palay) sa mas mataas na halaga pagsapit ng buwan ng Setyembre.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, inaasahang mas lalaki ang kikitain ng mga lokal na magsasaka sa sandaling ipatupad ang bagong presyuhan, na magkakataon din sa pagsisimula ng panahon ng anihan sa bansa.
Mula sa kasalukuyang P17 kada kilo, itataas na ng ahensya ang buying price ng basang palay sa P21 kada kilo. Nangangahulugan ito ng karagdagang P4 kada kilo sa kita at kapakinabangan ng bawat magsasaka.
Gayunpaman, linaw ni Lacson na limitado lamang muna ang programang ito sa mga lugar kung saan mayroong sariling rice drying facilities ang NFA.
Paliwanag ng opisyal, mahalaga ang mga naturang pasilidad upang agad na maipatuyo ang mga mabibiling palay at maiwasan ang pagkasira o pagkabulok ng mga ito habang nakaimbak sa mga bodega ng ahensya.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsusumikap ng mga field office ng NFA sa iba’t ibang rehiyon na makahanap at makipag-ugnayan sa mga magagamit na drying facility upang maipatupad na rin ang pagbili ng basang palay sa buong bansa.
















