-- Advertisements --

Seryosong pinag-aaralan ngayon ng Lawyers and Commuters Safety and Protection (LCSP) ang posibilidad na magsampa ng isang class suit laban sa lahat ng mga indibidwal at grupo na sangkot sa mga maanomalyang proyekto para sa flood control na nagbunga ng bilyon-bilyong pisong halaga ng mga ghost projects o mga proyektong hindi naman talaga natapos o naisakatuparan.

Mariing iginigiit ng grupo ng mga abogado at tagapagtanggol ng mga commuter na dapat managot at papanagutin ang mga kontraktor na responsable sa pagpapatayo ng mga substandard na flood control projects, pati na rin ang mga opisyal ng gobyerno na nakipagsabwatan o nagpabaya na humantong sa ganitong kalagayan.

Layunin ng kanilang pagkilos na mabigyan ng katarungan ang malaking abala, dagdag na gastos, at perwisyong patuloy na dinaranas ng mga motorista at mga commuter araw-araw.

Ayon sa grupo , malinaw na ang mga palpak at hindi maayos na proyektong ito ay nagdudulot ng mas matinding problema.

Tuwing may matinding pagbaha o malakas na pag-ulan, lumalala ang sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.

Bukod pa rito, maraming sasakyan ang nasisira dahil sa paglubog sa baha, at ang mga kalsada mismo ay napipinsala at nagiging lubak-lubak, na nagpapahirap sa mga motorista.

Dagdag pa rito, isang malaking kalbaryo rin para sa mga commuter ang araw-araw na paghihirap sa pagsakay sa pampublikong transportasyon, ang madalas na pagkaka-stranded dahil sa baha, at ang patuloy na banta ng sakit na leptospirosis na nakukuha sa kontaminadong tubig baha. Ito ay mga problemang direktang resulta ng kapabayaan at korapsyon sa mga proyekto ng pamahalaan.

Kung maaalala , mismong si Pangulong Marcos Jr. ang personal na nakatutok sa isyung ito at naglunsad ng isang website na tinatawag na “Sumbong sa Pangulo” upang maging daan para sa mga mamamayan na mag-ulat ng mga anomalya at iregularidad hinggil sa mga proyekto ng flood control sa iba’t ibang panig ng bansa.