-- Advertisements --

KALIBO Aklan — Inaasahan na limang cruise ship ang dadaan sa isla ng Boracay sa nalalabing dalawang buwan.

Ayon kay Nieven Maquirang, Executive Assistant to the Governor na siyang in-charge sa mga cruise ship at special projects, may nakatakdang mga cruise ship sa Nobyembre 3 at 11, habang sa Disyembre 17, 24, at 30 naman ang iba.

Sa Nobyembre 3, inaasahang darating ang Blue Dream Melody na magmumula sa Xiamen, China, na may sakay na mahigit 1,500 na pasahero.

Karamihan sa mga pasaherong ito ay mga Chinese, at tinatawag na “free and easy passengers,” o mga biyaherong walang kasamang hotel o tour package at malayang pipili ng kanilang pupuntahan.

Dagdag pa ni Maquirang, sa Nobyembre 11 naman ay darating ang Star Voyager mula Kaohsiung, Taiwan, na may dalang humigit-kumulang 1,200 na pasahero.

Dahil dito, nagsasagawa na ng mga pagpupulong ang mga kinauukulan, kabilang ang mga may-ari ng iba’t ibang establisimyento, upang pag-usapan ang mga kinakailangang paghahanda para sa mga bisita.

Ayon pa kay Maquirang, inaasahang mas magiging masigla pa ang pagdating ng mga cruise ship sa susunod na taon, kung saan sa Enero ay mga high-end cruise ship naman ang inaasahang darating.

Batay sa kanilang datos, tumaas ang bilang ng mga dumadating na cruise ship mula 14 noong nakaraang taon tungo sa 17 sa kasalukuyang taon. Patuloy din aniya ang kanilang pagpapa-igting ng mga paghahanda para sa pagdating ng mga turistang ito.

Layunin ng mga ito na lalo pang palakasin ang turismo sa isla sa pamamagitan ng pag-imbita ng mas maraming cruise ships.