Naghain ng cyber libel complaint nitong Lunes, Pebrero 16, ang aktres at beauty queen na si Michelle Dee sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI)–Cybercrime Division laban sa self-proclaimed “Pambansang Marites” na si Xian Gaza.
Bagamat wala pang inilalabas na detalyadong pahayag hinggil sa eksaktong dahilan ng reklamo, iniulat na maaaring konektado ito sa isang lumang kontrobersiya na muling umingay sa internet kamakailan.
Dalawang taon na ang nakalipas nang magbahagi si Gaza ng isang blind item na ikinabit ng netizens kina Michelle Dee, Rhian Ramos, at Samantha Panlilio.
Sa naturang post kasi, tinukoy umano ang isang beauty queen na sangkot sa umano’y threesome at binanggit lamang ang mga inisyal na “S” at “R.”
Kamakailan ay muling kumalat ang nasabing post kasabay ng isang hiwalay na isyu na kinasangkutan ng tatlo.
Umugong ang pag-resurface ng isyu sa reklamong isinampa ng driver ni Rhian na si alyas “Totoy.” Inakusahan sina Michelle, Rhian, Samantha, at iba pa tungkol sa umano’y physical assault at illegal detention.
Batay sa reklamo, sinabi ng driver na naganap umano ang insidente sa condominium ng kanyang employer sa Makati City mula Enero 17 hanggang 19.
Agad namang itinanggi ng legal counsel nina Michelle, Rhian, at Samantha ang mga paratang. Kalaunan, ibinasura ng Makati City Prosecutor’s Office ang reklamo dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Samantala, wala pang detalyadong pahayag mula kay Michelle Dee at sa kanyang kampo kaugnay ng cyber libel complaint laban kay Xian Gaza.
Bukod dito maalalang noong Pebrero 4, muling kinasuhan ni Michelle si alyas “Totoy” ng qualified theft sa Makati Prosecutor’s Office dahil pa rin sa umano’y pagkuha ng driver sa isang angpao na naglalaman daw ng 10 mahahalagang gamit.
Base sa paliwanag noon ng abogado ni Michelle na si Atty. Maggie Garduque, kinailangang ihain uli ang kaso upang masunod ang tamang proseso. Hindi na umano pwedeng idaan sa inquest ang naturang reklamo.
















