-- Advertisements --

Kinumpirma ni National Bureau of Investigation Director Atty. Melvin Matibag na ipapadala na ngayong araw ang mga ‘subpoena’ kina Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at former Negros Oriental Rep. Jing  Paras. 

Nakausap na aniya ang regional director ng kawanihan at ibinahagi na ang mga subpoena ay nakatakdang isilbi ngayong Lunes matapos pirmahan noon pang Biyernes. 

Kung kaya’t alinsunod sa pagpapadala ng naturang mga subpoena, inaasahan na tutugon at haharap sa tanggapan ng ahensiya sina Rep. Leviste at dating mambabatas Jing Paras sa darating na Huwebes. 

Ang mga nabanggit kasing indibidwal ay nasasangkot sa sinasabing planong ‘character assasination’ o honeytrap sa ilang mga opisyal ng gobyerno. 

Ayon kay Atty. Melvin Matibag, bagama’t mayroon mga opisyal na target biktimahin gamit ang modus operandi, ang tiyak pa lamang sa kasalukuyan ay ang plano laban kay Executive Secretary Ralph Recto. 

Patuloy pa kasing iniimbestigahan aniya ng kawanihan ang patungkol sa nabistong ‘character assasination’ kontra iba pang mga nasa gobyerno. 

Pati ‘timeframe’ o kung kailan nag-umpisa ang naturang ‘honeytrap’ ay inaalam din kung kaya’t binigyang diin ang kahalagahan makuha ang panig ng mga idinadawit. 

Habang ibinahagi naman ng direktor na nakikipag-ugnayan na sa kanila ang kampo ni Executive Secretary Ralph Recto patungkol sa kaso. 

Kung babalikan, nag-ugat ang naturang alegasyon nang matagumpay naisagawa ng NBI-NCR ang entrapment operation sa isang five-star hotel sa Maynila nagbunga para masagip ilang kababaihan at tuluyan pagkakaaresto ng talent manager. 

Matapos nito’y idinawit ng naaresto ang sinasabing plano ng dating mambabatas na gamitin ang bugaw para sirain pagkatao ni Executive Sec. Recto at ang financer na itinuro ay si Rep. Leandro Leviste.