Sumasailalim na rin sa ngayon sa self-quarantine ang apat na kongresista bilang precautionary measure matapos na nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 ang isa sa kanilang kasamahan na si ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go Yap.

Sa isang statement. sinabi ni Majority Leader Martin Romualdez na sasailalim siya sa qarantine matapos na makasama si Yap sa special session ng Kamara noong Lunes.

Ayon kay Romualdez, wala naman siyang close contact kay Yap sa special session at wala ring sintomas ng COVID-19 pero mas mabuti nang mag-self quarantine na rin siya.

“I’m in the pink of health and well enough to continue performing my duties as House Majority Leader and will activate my work-from-home system,” ani Romualdez.

Ganito rin ang naging pasya ni Minority Leader Bienvenido Abante Jr.

Samantala, si House Committee on Transportation chair Edgar Mary Yap ay magho-home quarantine din dahil sa close contact niya sa mga indibidwal na nagpositibo sa COVID-19 pero tumangging sumailalim sa test ng Department of Health.

“Although I feel weak, but asymptomatic as of the moment. I do not fit the Department of Health’s criteria for testing since we have limited resources rather I have to give way to symptomatic cases and in dire need of the test,” dagdag pa nito.

Si Isabela Rep. Tonypet Albano naman ay uulitin ang 14-days self-quarantine dahil sa nakahalubilo rin niya si Yap noong Lunes.

Nauna nang humingi ng paumanhin at pag-unawa si Yap sa mga indibidwal na kanyang nakasalamuha magmula noong nakaraang linggo.