Inirekomenda ng World Health Organization (WHO) noong Lunes (local time) ang paggamit ng lenacapavir, isang injectable drug na tinuturok dalawang beses sa isang taon, bilang mabisang panlaban umano sa HIV infection.
Ginawa ang anunsyo sa International AIDS Conference sa Kigali, Rwanda, halos isang buwan matapos aprubahan ng US FDA ang gamot na gawa ng Gilead Sciences.
Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, “While an HIV vaccine remains elusive, lenacapavir is the next best thing.”
Inaasahang malaking tulong ito sa mga hindi makasunod sa araw-araw na pag-inom ng gamot, o nahihirapan dahil sa stigma at kakulangan sa access sa gamot.
Sa gitna ng pagbagal ng global HIV prevention efforts—na may naitalang 1.3 milyong bagong kaso noong 2024, maituturing ang lenacapavir bilang makabagong alternatibo, lalo na para sa mga high-risk groups tulad ng: sex workers, kalalakihang nakikipagtalik sa kapwa lalaki, transgender, taong gumagamit ng injectable drugs, mga nakakulong, mga bata at kabataang na mana ang sakit.
Inirekomenda rin ng WHO ang paggamit ng mas accessible na HIV rapid tests upang mapadali ang diagnosis at maalis ang sagabal na dulot ng magastos at komplikadong proseso.
Nabatid na ang lenacapavir ay kabilang sa klase ng gamot na tinatawag na capsid inhibitors, at napatunayang halos 100% epektibo sa pagpigil sa HIV base sa malawakang clinical trials noong nakaraang taon.