CENTRAL MINDANAO- Lumikas ang mga sibilyan sa bakbakan ng magkaaway na pamilya sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang mga nasawi na sina Amir Impos,Norodin Magao,Alex Galang at Robin Magao habang lima naman ang nasugatan na mga residente ng Barangay kalbugan Pagalungan Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Arnold Santiago na unang binaril patay si Amir Impos ng pamilyang Magao dahil sa alitan sa tanim nilang saging at kamoteng kahoy sa hangganan ng kanilang lupang sinasaka.
Agad gumanti ang pamilya Impos at sinalakay ang kanilang mga kalaban.
Tumagal ng mahigit isang oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Dahil sa takot ng mga kapitbahay nang naglalabang grupo ay lumikas sila patungo sa mga ligtas na lugar.
Humupa lamang ang barilan nang mamagitan ang mga opisyal ng bayan,muslim elders at mga lider ng MILF kasama ang MNLF.
Ang dalawang pamilya ay mga tauhan ng dalawang Moro Fronts sa Maguindanao.
Nakatakda namang pulungin ni Pagalungan Mayor Datu Salik Mamasabulod ang magkaaway na pamilya para sa mapayapang negosasyon sa pinag-awayan nilang lupa.