(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng PNP ukol sa umano’y pagpatay ng local terror group na Dawlah Islamiyah sa apat na sibilyan sa pamamagitan nang pagpapasabog ng improvised explosive device (IED) habang nakaluhod at nakatali ang mga kamay nila sa Sitio Bangko, Barangay Tongan-Tongan, Madalum, Lanao del Sur.
Kinilala ni Lanao del Norte Provincial Police Office spokesperson Maj Salman Saad ang mga nasawi na sian Leo Baloro, 24; Nito Bacayan, 22; Lito Angcap, 22, at Francis Alcaba, 32, na lahat nagmula sa Poblacion, Bacolod, Lanao del Norte.
Nakaligtas naman sina Christopher Allen, 18, at Anoy Ancap, 58, na magkapitbahay lang nang mangyari ang IED explosion na umano’y kagagawan ng mga terorista.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Saad na unang naghahanap ng mga baboy damo ang mga biktima subalit hindi nila namalayan na nakapasok na sila sa bayan ng Madalum at nasalubong nito ang nasa 50 armadong kalalakihan at sila umano ay hinuli.
Inihayag ni Saad na nakahingi naman umano ng saklolo sina Ancap at Allen sa pulisya ng Munai Police Station kaya agad nakapagresponde sa explosion site.
Samantala sa panig naman ni Cpl. Ever Duarte, imbestigador ng Madalum Police Station, hindi pa malinaw kung talagang pinasabugan ng mga terorista ng IED ang mga biktima o kaya’y aksidente na naapakan ito habang nasa kasagsagan ng paghahanap ng baboy damo noong Disyembre 10, 2020.