Patuloy ang mainit na usapan ukol sa ‘Konektadong Pinoy’ bill (KPB), isang panukalang batas na layong palakasin ang connection sa Pilipinas at pahusayin ang bilis ng internet sa bansa.
Habang anim na teknolohiyang grupo ang nagpahayag ng suporta sa panukala, mariin naman nilang tinutulan ang data localization provision na nag-uutos na ang mga digital data ay dapat lamang iimbak o iproseso sa loob ng bansa.
Ayon sa mga grupong Global AI Council Philippines, Blockchain Council of the Philippines, Cybersecurity Council of the Philippines, Data Center Association of the Philippines, Fintech Philippines Association, at Go Digital Philippines, makatutulong ang KPB kung mapapabilis ang proseso sa pagtatayo ng digital infrastructure nang hindi na kailangan ng legislative franchise, pagpapababa ng presyo ng internet, pagpapalawak ng serbisyo lalo na sa mga liblib na lugar, at pagpapahusay ng pamamahala sa radio spectrum at pag-set ng performance standards para sa proteksyon ng mga konsumer.
Ngunit binigyang-diin nila na ang data localization ay makakasama sa negosyo, makakapagpataas ng gastusin, at makakahadlang sa paggamit ng teknolohiyang gaya ng cloud computing at AI.
Paliwanag pa nila, maaapektuhan dito ang mga SMEs, at maaaring mawalan ng kumpetisyon ang sektor ng IT-BPM at digital services sa bansa.
Samantala, nanawagan naman ang Citizen Watch Philippines kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang panukala.
Ayon sa kanila, maaari itong magbigay daan sa hindi maayos na pagpasok ng mga dayuhang makakaapekto sa imprastraktura ng bansa, na maaaring magdulot ng seryosong banta sa seguridad.
Noong Enero 2024, isinulong ni Pangulong Marcos ang KPB bilang isang urgent bill, at noong Hunyo 9 ay naratipikahan na ito ng Kongreso. Kasalukuyang naghihintay na lamang ng pirma mula sa Pangulo upang tuluyang maging batas ang panukala.