Hindi inaalis ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang posibilidad na magkakaroon pa ng mas malalakas na pagsabog sa bulkang Kanlaon at bulkang Taal.
Ito ay kasunod ng naunang pagbuga ng abo at volcanic materials ng dalawang nabanggit na bulkan.
Ayon kay Phivolcs volcanologist Dr. Paul Alanis, nananatiling mataas ang abnormalidad ng dalawang bulkan at nagpapakita ng tuloy-tuloy na paggalaw, kahit sa mga panahong tahimik ang mga ito.
Paliwanag ni Dr. Alanis, bagaman nasa ilalim lamang ng Alert No. 1 ang bulkang Taal, dati na itong nagpapakita ng mga sunod-sunod na aktibidad, kung ibabatay sa record na hawak ng Phivolcs.
Para sa Kanlaon na nasa ilalim ng Alert Level 2, mas mataas aniya ang posibilidad na ito ay sumabog dahil sa mas madalas na aktibidad nito.
Dahil dito, hinimok ni Alanis ang publiko na naninirahan malapit sa dalawang bulkan na regular na bantayan ang sitwasyon at manatiling alerto.















