Muling nagpakita ng tatlong maliliit na pagsabog ang Taal Volcano nitong Linggo ng umaga, Oktubre 26, 2025, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Batay sa ahensya naitala ang unang phreatic eruption kaninang alas-2:55 ng madaling-araw. Sinundan ito ng dalawang phreatomagmatic eruptions bandang alas-8:13 at alas-8:20 ng umaga.
Ang nararanasang phreatomagmatic eruptions ay dulot umano ng pagtagpo ng magma at tubig sa bunganga ng bulkan, habang ang phreatic eruption ay sanhi ng steam explosion kapag pinainit ng magma ang lupa o tubig sa ibabaw ng bunganga nito.
Naobserbahan din ng IP at thermal cameras ng Phivolcs ang pag-labas ng malaking abo na umabot sa 1,200 hanggang 2,100 metro mula sa ibabaw ng crater ng bulkan.
Samantala nanatili namang nasa Alert Level 1 ang Taal Volcano kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa Permanent Danger Zone (PDZ) ng isla, pagbo-boat sa lawa, at paglipad ng eroplano malapit sa bulkan.
Ibinabala rin ng ahensya ang posibilidad ng steam-driven o phreatic explosions; mga pagyanig; minor ashfall; at ang nakamamatay na gas mula sa ibinugang abo ng bulkan.
Magugunita na noong Sabado, Oktubre25, nagkaroon din ng minor phreatomagmatic eruption ang Taal na tumagal ng tatlong minuto, kasabay ng 9 volcanic earthquakes at 436 toneladang sulfur dioxide emission.















