ROXAS CITY – Karsel ang kinasadlakan ng apat na mga motornappers matapos maaresto ng mga pulis sa Barangay Poblacion, Tapaz, Capiz.

Kinilala ang mga suspek na sina Rolindo Catalan 18-anyos ng Barangay Calaan, Panit-an, Bryan Bendoy alyas Coycoy ng Poblacion Ilaya, Panit-an, Jerson Lucion ng Poblacion Ilaya, Panit-an at Jeric Paniare ng Barangay Cogon, Roxas City.

Nadakip ang apat sa checkpoint ng mga pulis kung saan wala silang may maipakitang dokumento sa minamanehong motorsiklo

Nagduda rin ang mga pulis dahil sa kakaibang ikinikilos ng mga suspek maliban pa sa hindi nila alam ang lugar na pupuntahan sa bayan ng Tapaz.

Dahil dito ay dinala sila sa police station at isinailalim sa imbestigasyon hanggang umamin ang mga ito na hindi sila ang may-ari ng motorsiklo na nabatid na isa palang tricycle at iniwan nila ang sidecar sa isang barangay sa bayan ng Panit-an, Capiz.

Napag-alaman na bago pa nakarating ang mga suspek sa Tapaz ay inalarma na ito ng Roxas City PNP sa nawawalang tricycle ng isang residente sa lungsod ng Roxas.