Namataan ang tatlong barko ng China Coast Guard (CCG) na nasa bracketing pattern sa Batanes.
Base ito sa monitoring ng US maritime expert na si Ray Powell.
Aniya, nananatiling nasa bracketing pattern ang CCG vessel 4304, 3301 at 3304 hanggang ngayong araw ng Biyernes, Agosto 8.
Ibig sabihin aniya ng bracketing, nagpapatroliya ang mga barko ng CCG pareho sa silangan at kanlurang bahagi ng Batanes.
Ayon kay Powell, namataan ang CCG vessel 4304 sa 60 nautical miles (NM) kanluran ng Batanes, habang ang CCG vessel 3301 at 3304 ay huling namataan sa tinatayang 70 NM mula sa silangang bahagi ng island province.
Sinabi ni Powell na mahalaga ang naturang development dahil hindi pa aniya nakikitang nagsagawa ng intrusive patrol ang CCG sa may silangang bahagi ng kapuluan ng Pilipinas noon.
Matatandaan simula noong araw ng Huwebes, namonitor ang mga barko ng China na dumadaan sa may Bashi Channel na inilarawan ni Powell bilang “very unusual track”.
Ito naman ang unang pagkakataon aniyang may nakita siyang dumaan sa may Bashi Channel sa maraming taon ng kaniyang monitoring sa mga barko ng China sa disputed water at mga karatig na katubigan.