Namataan ang tatlong barko ng China Coast Guard (CCG) nitong umaga ng Huwebes, Agosto 7 habang dumadaan malapit sa Batanes.
Ito ay base sa monitoring ng US maritime expert na si Ray Powell.
Inisyal na iniulat ni Powell na ang mga namataang barko ng CCG ay may bow number na 3301, 3304 at 4304 na dumaan sa hilagang-kanluran malapit sa Batanes kahapon, Agosto 6.
Inilarawan din ni Powell na “very unusual track” ito para sa CCG. Hindi rin aniya malinaw kung saan patungo ang mga ito.
Sa sumunod na inilabas na monitoring ni Powell, namataang kumikilos ngayong Huwebes ang CCG 3301 at 3304 sa may hilagang-kanluran sa pamamagitan ng Bashi Channel sa pagitan ng Batanes at Taiwan habang ang CCG 4304 naman ay naobserbahang nagpapatroliya sa distansiyang 70 nautical miles sa kanluran ng Batanes.
May dalawa din aniyang malalaking fishing vessels ang dumaan sa pamamagitan ng Bashi Channel. Isa dito ay ang Min Fu Ding Yu 09708 na humiwalay at lumihis ng direskiyon patungong timog sa pagitan ng alas-6:30 hanggang alas-8:00 ng umaga para magtungo sa labas lang ng 12 nautical miles territorial sea ng PH.
Ang mga presensiya ng mga barko ng CCG sa pinakahilagang pate ng Pilipinas ay ilang araw lamang matapos ang naobserbahang pagdami ng mga research vessel ng China sa loob ng exclusive economic zone ng ating bansa ngayong taon.