-- Advertisements --
sim card

Aabot sa 28-K na mga pre-registered SIM cards ang nasabat ng mga otoridad sa isang Philippine Offshore Gaming Operators hub sa Pasay City na dati nang sinalakay ng mga otoridad nang dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa online scams.

Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission Executive Director Gilberto Cruz, nakakabahala ang nagkalat na mga pre-registered SIM cards na maaari aniyang magamit ng mga kidnappers, online scammers, at iba pa sa kanilang masasamang gawain.

Pag-amin ng opisyal, dahil dito ay magiging pahirapan ang pagsawata ng mga otoridad sa pagdami ng online crimes na nangyayari ngayon sa bansa.

Samantala, ayon sa digital forensic examination, ang naturang mga SIM card ay narekober sa basurahan at napag-alamang mayroon nang mga registered at verified e-wallet accounts na mayroong Php100,000 hanggang Php500,000 na lamang e-money na pinaghihinalaang nagmula sa mga perang nakulimbat ng mga salarin sa kanilang mga biktima.

Samantala, bukod sa mga SIM card ay nasabat din ng mga otoridad ang mga dokumento at papeles na mayroong e-wallet account number, halaga ng perang laman nito, at ang password sa mga account.

Kung maaalala, kamakailan lang ay sinimulan na ng Bureau of Immigration ang pagpapa-deport sa nasa mahigit 200 dayuhan na naaresto isang POGO hub noong Agosto 1 habang pina-freeze naman na ng Anti-Money Laundering Council ang mga asset ng mga ito.