Iniulat ni Philippine Ambassador to Qatar Mardomel Melicor na normal ang sitwasyon sa naturang bansa sa kabila ng naunang ulat na pagpapasabog ng Iran sa US air base doon at kinalaunan ay pagsasara sa himpapawid nito.
Ayon kay Melicor, mistulang walang nangyari sa naturang bansa dahil walang mapapansin na anumang mga pagbabago. Wala din aniyang panic buying na nangyayari sa mga mamamayan atbpang mga dayuhan tulad ng mga Pilipinong naninirahan na roon.
Sa ngayon ay binuksan na rin muli ang airspace ng naturang bansa at tumuloy na ang mga commercial flight na unang naantala.
Bagaman may mga Pilipinong bahagi ng mga delayed flights, kasama si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, hindi aniya kinailangan ng embahada na gumawa ng anumang intervention dahil sinagot ng airlines ang kanilang mga pangangailangan.
Aabot sa halos 250,000 Pinoy ang kasalukuyang nasa Qatar kung saan karamihan sa kanila ay nagtatrabaho habang ang iba ay mga dependents ng kanilang mga kaanak.
Sa halos 250,000 Pinoy, mahigit 50% sa kanila ay nagtatrabaho bilang mga skilled at professional workers habang ang iba ay nagtatrabaho bilang household service workers.
Pagtitiyak ng ambassador, nananatiling ligtas ang mga Pilipino na naroon sa kabila ng tensyon sa Middle East.
Sinisiguro rin aniya ng Qatari government na maprotektahan ang lahat ng mga mamamayan nito, kasama na ang mga dayuhang nagtatrabaho o nagbabakasyon sa naturang bansa.