Hindi pa nakikita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang pangangailangang ituloy ang subsidiya sa langis o ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga PUV drivers, magsasaka at mangingisda.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung hindi bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ay pagaganahin talaga ng gobyerno ang fuel subsidy.
Gayunpaman, kahapon aniya ay bumaba na 69 dollars per barrel ang presyo mula sa unang pagsirit na 79 dollars per barrel.
Itinakda ng pamahalaan ang 80 dollars per barrel ng langis bilang benchmark upang magpatupad ng fuel subsidy para sa mga apektadong sektor.
Pero dahil bumaba na ang presyo hindi na aniya kailangan ang subsidiya.
Sa kabilang dako inihayag ng Pangulo na manageable ang epekto sa ekonomiya ng Pilipinas ang Iran-Israel conflict
Ayon sa pangulo, una na kasing nag-deklara ng ceasefire doon, at una na ring nakapagtala ng pagbaba sa presyo ng krudo sa world market, na nasa 69 dollars per barrel na lamang.
Sa kasalukuyan, nananatili aniyang nakabantay ang pamahalaan sa sitwasyon sa Middle East. At nakatutok rin aniya ang gobyerno sa galaw ng oil price sa pandaigdigang merkado.