Dahil sa umiiral na enhanced community quarantine, 25 kongresista lamang ang physically present sa resumption ng Kamara ng kanilang session pagkatapos ng pitong linggong Lenten break.
Ang 276 iba pang kongresista ay nakibahagi na lamang sa pamamagitan ng videoconferencing para mapanatili lang pagsunod sa physical distancing alinsunod sa protocols na inilatag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ang dating mga lamesa at upuan ng mga kongresista sa loob ng plenary hall ay binago ang ayos upang matiyak ang physical distancing.
Pawang nakasuot din ng face masks ang mga kongresistang physically present sa Kamara, dahil naman sa umiiral na no-face-mask, no-entry policy.
Sa kanyang talumpati sa pagbubukasn ng session, binigyan diin ni Speaker Alan Peter Cayetano ang kahalagahan nang pagtatanong ng tamang katanungan upang sa gayon ay makabuo ang Mababang Kapulungan ng wastong kasagutan at solusyon na rin sa mga problemang kinakaharap ng samabayanang Pilipino sa gitna ng COVID-19 crisis.
Binigyan diin din nito na hindi ito ang tamang panahon para maglaban-laban at hindi magtulungan ang mga ahensya at kagawaran ng pamahalaan,
Mananalo lamang aniya ang bansa sa laban kontra COVID-19 kung magtutulungan ang lahat sa pagsugpo nito.
Labis naman ang pasasalamat ng lider ng Kamara sa mga miyembro ng Defeat COVID-19 Committee sa pagdaos ng serye ng mga pagdinig sa mga nakalipas na linggo upang makahanap ng solusyon sa kinakaharap na krisis ng bansa