Umaasa ngayon ang lawyers/commuters group na mayroon pang ibang abogadong gagawa din ng aksyon para maghain ng kaso laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Sa isang eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, muling iginiit nito ang pangangailangan para sa mas maraming abogado na sumama sa kanilang laban kontra sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
Ayon kay Atty. Inton, nagsimula na silang maghanda ng isang talagang malakas na kaso at kasalukuyang maroon na ring ilang testigo na may direktang kaalaman sa mga katiwalian.
Naniniwala pa siya na ang kanilang grupo,bagamat maliit lamang, ay mayroong lakas upang magtagumpay sa laban na ito kung makakamtan ang suporta ng iba pang mga abogado.
Ayon pa sa kanya, hindi pwedeng ipagkatiwala lamang ang lahat sa gobyerno, at kinakailangan ang aktibong partisipasyon ng mga mamamayan at mga abogado upang matiyak na walang makakatakas sa mga responsable sa mga maanomalyang proyekto.
Binigyang-diin pa nito ang kanilang layunin ay hindi lamang magpataw ng mga parusa sa mga nangurakot, kundi masiguro na makuha ng mga apektadong commuters at motorista ang karampatang kabayaran sa mga pinsalang idinulot ng mga substandard na proyekto.
“If itong anomalyang ‘to kapag pinalampas ng gobyerno, I doubt if tatagal pa ‘tong gobyernong to. this is something that is serious. this is something that the President as he said is very, very, angry. and this anger, kailangan, with action,” saad pa ni Inton.
Dagdag pa nito, “We will not lose hope. Although it’s near that point already because marami din sa mga sangkot ay kaalyado ng kasalukuyang administrasyon. So, we hope that friendship, camaraderieship, party affiliation ay maiisantabi kapag kapakanan ng bayan ang pinag-uusapan.”