-- Advertisements --

Natapos na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-iimprenta ng mga opisyal na balota para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections, ayon yan kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia.

Ang anunsyo ay ginawa anim na araw matapos muling ipagpatuloy ng poll body ang proseso ng pag-iimprenta, na pansamantalang ipinahinto dahil sa pagpapasa ng panukalang batas na nagre-reallocate ng pitong puwesto na orihinal na nakalaan para sa lalawigan ng Sulu.

Ayon kay Garcia, natapos na noong Linggo ang pag-imprenta ng balota para sa Basilan, Tawi-Tawi, at ang Special Geographic Area (SGA). Sinimulan naman nitong Sabado ang pag-imprenta para sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte.

Kumpleto na rin ang beripikasyon ng mga balota para sa Tawi-Tawi, Basilan, Maguindanao del Sur, at SGA, habang nagpapatuloy pa ang beripikasyon para sa Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, at Cotabato City. Target ng poll body na matapos ang natitirang beripikasyon sa susunod na Martes o Miyerkules.

Batay sa orihinal na timeline ng komisyon, ang resumption ng ballot printing ay itinakda mula Agosto 28 hanggang Setyembre 15, 2025, na sasaklaw sa pag-iimprenta, beripikasyon, paglilipat sa Packing and Shipping Committee, at deployment.