Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad para sa nalalapit na parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na gaganapin sa Oktubre 13.
Ayon kay acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng PNP na tiyaking ligtas, mapayapa, at malaya ang halalan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Mula Agosto 14, nagsagawa na ang PNP ng 14,828 checkpoints na nagresulta sa 22 ang mga naaresto at 32 nakumpiskahan ng baril dahil sa paglabag sa election gun ban.
Kasama rin sa mga hakbang ang pagsugpo sa private armed groups at pagmonitor sa loose firearms.
Aktibo rin ang koordinasyon ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Commission on Elections (Comelec) sa pamamagitan ng mga Regional Joint Security Control Centers upang mas epektibong matugunan ang banta at insidente.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño, pangunahing prayoridad ang kaligtasan ng mga botante at integridad ng halalan.