Nilinaw ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na kumpleto nang na-account ang 12 luxury vehicles na sakop ng search warrant laban sa St. Gerrard Construction ng pamilya Discaya sa Pasig, matapos makuha ang huling tatlong sasakyan nitong Martes ng gabi.
Unang nakita ng Bureau of Customs (BOC) noong Martes ng umaga ang dalawang sasakyan sa compound ng kumpanya: isang Toyota LC300 2024 at Maserati Levante Modena 2022. Kasunod nito, pito pang sasakyan ang boluntaryong isinuko ng pamilya Discaya sa BOC kabilang ang mga sumusunod: Rolls-Royce Cullinan 2023, Bentley Bentayga, Mercedes-Benz G-Class (Brabus G-Wagon), Mercedes AMG G63 SUV 2022, Toyota Tundra 2022, Toyota Sequoia at Cadillac Escalade ESV 2021.
Ang tatlong natitirang sasakyan na isang Mercedes-Benz G 500 SUV 2019, GMC Yukon Denali SUV 2022, at Lincoln Navigator L 2024, ay kasalukuyang nasa awtorisadong service centers para sa pagkumpuni at inaasahang isusuko rin sa BOC.
Ayon kay Commissioner Nepomuceno, nakikipag-cooperate na ang pamilya Discaya, ngunit binigyang-diin niyang mananagot ang sinumang magtatago o magtatangkang ikubli ang mga sasakyan.
Lahat ng 12 luxury vehicles ay opisyal nang sinelyuhan ng Customs at binabantayan 24/7 ng BOC at Philippine Coast Guard habang sinusuri ang mga dokumento ng importasyon.
Kapag may napatunayang paglabag, magsasampa ng legal na aksyon alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Matatandaan, sa naunang Senate hearing, sinabi ni Sarah Discaya na may 28 luxury vehicles ang kanilang pamilya, pero ayon kay Senador Jinggoy Estrada, higit pa ito at maaaring nasa 80 ang mga mamahaling sasakyan ng Discaya.