Inatasan ng Sandiganbayan si Senator Jinggoy Estrada na magsumite ng requirements para sa kaniyang request na bumiyahe sa iba’t ibang mga bansa.
Binigyan ng fifth division ng anti-graft court ang Senador ng limang araw para isumite ang mga requirement kabilang ang kaniyang itinerary, hotel booking details, authority to travel at affidavit of undertaking.
Ikinatwiran ng prosekusyon na kasalukuyang kabilang ang Senador sa Immigration Lookout Bulletin Order request dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa anomaliya sa flood control projects, bagay na nauna naman ng itinanggi ng Senador bilang malisyoso at tahasang kasinungalingan lamang. Iginiit din niya na siya ang pinaka-bulnerableng target sa mga Senador na idawit sa korapsiyon dahil sa kaniyang mga naunang kinasangkutang isyu kabilang na ang kasong plunder at graft na patuloy niyang kinakaharap may kaugnayan sa kontrobersiyal na pork barrel scandal.
Ang hakbang ng Sandigabayan ay kasunod ng paghahain ng kampo ni Sen. Estrada ng mosyon para payagan siyang makabiyahe patungong Japan mula Disyembre 26 hanggang 31 at hiniling din na payagan ang kaniyang biyahe patungong Norway, Iceland at Austria mula Enero 5 hanggang 15 sa susunod na taon.
















