Ipinahayag ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na ang ₱6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2026 at ang 44 na prayoridad na panukala mula sa LEDAC ang nagsisilbing gulugod ng Bagong Pilipinas reform agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Dy, nakatuon ang badyet sa pagpapalakas ng edukasyon, kalusugan, at serbisyong panlipunan. Pinakamalaking pondo ang inilaan sa edukasyon na may ₱1.281 trilyon, katumbas ng 4.1% ng GDP.
Tiniyak din ni Dy na bawat proyekto sa badyet ay nakatuon sa mga lugar at sektor na higit na nangangailangan. Katuwang ng Mababang Kapulungan ang Ehekutibo sa pagtutulak ng mga reporma sa pamamagitan ng LEDAC.
Kabilang sa mga prayoridad na batas ang Rice Industry and Consumer Empowerment Act, Disaster Risk Financing Framework, Pantawid Pamilyang Pilipino Program Act, at batas para sa Department of Water Resources, National Land Use, at Waste-to-Energy.
Dagdag pa rito ang panukalang Fair Use of Social Media sa halalan, modernisasyon ng Bureau of Immigration, Presidential Merit Scholarship Program, at Magna Carta for Barangays.
“Lahat ng ito ay bahagi ng adhikain nating makamit ang mas matatag, makatarungan, at inklusibong pag-unlad para sa bawat Pilipino,” ani Dy.