-- Advertisements --

Idinaan sa coin toss ang pagtukoy sa ranking ng dalawang winning councilor sa bayan ng Solano, sa Nueva Vizcaya makaraang magtabla sa resulta ng halalan.

Ang dalawang kandidato ay kinilalang sina Dr. Clifford Tito at Thomas Dave Santos, kapwa 27 anyos at nanguna sa pagka-konsehal sa katatapos na 2025 midterm elections.

Isinagawa ng Municipal Board of Canvassers ang coin toss upang matukoy kung sino ang maitatanghal bilang number 1 councilor.

Naging mas ‘swerte’ si Santos na pumili ng ‘tails’ side, habang pumangalawa naman si Tito.

Tinanggap naman ni Tito ang resulta, at tinawag na lamang itong bonus para sa kaniya na nakakuha sa ikalawang pwesto. Aniya, ang ipinalangin lamang niya noon ay ang manalo sa halalan at hindi umano niya inasahang mangunguna siya sa walong konsehal.

Salig sa Omnibus Election Code, kapag pantay ang nakuhang boto ng dalawang kandidato, pinapayagan ang Board of Canvassers na magsagawa ng draw lots o ng coin toss.

Mahalaga ring matukoy kung sino ang No. 1 councilor sa isang munisipalidad dahil may posibilidad na magiging bise-alkalde ito kung may masamang mangyari sa kasalukuyang bise alkalde, salig sa rule of succession sa bansa.