Patay ang dalawang terrorist bombers na naaresto sa Maguindanao kaninang umaga, matapos magtangkang mang-agaw ng baril at tumakas mula sa mga pulis.


Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) Bangsamoro Autonomous Region Regional Director Police Brigadier General Samuel Rodriguez kay PNP Chief PGen. Debold Sinas, kinilala ang dalawang suspek na sina Rasul Dubpaleg at Bhadz Dubpaleg.

Unang Naaresto ang dalawa ng pinagsanib ng pwersa ng PNP at AFP sa Rajah Buayan, Maguindanao kaninang alas-10 ng umaga.

Habang sakay ng mobile patrol car patungong Maguindanao Police Provincial Office, nagtangka umanong agawin ng mga suspek ang mga baril ng kanilang mga escort na nagresulta sa putukan na ikinasugat ng dalawa.

-- Advertisement --

Agad namang isinugod ang dalawa sa Maguindanao Integrated Provincial Health Office kung saan idineklara ang mga ito na dead on arrival.

Ayon kay Gen. Sinas, ang dalawang suspek ay mga miyembro ng Dawlah Islamiya Hasan Group at core members ng BIFF Karialan-Bungos Faction.

Sangkot umano ang mga ito sa dalawang insidente ng pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat, isa sa Midsayap North Cotabato, at pambobomba sa Southseas Mall sa Cotabato City.