-- Advertisements --

Dalawang low-pressure area ang nakaka-apekto sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas at inaasahang magdadala ng mga pag-ulan.

Batay sa report na inilabas ng state weather bureau ngayong araw, ang unang LPA (05b) ay natukoy sa layong 190 km silangan hilagang-silangan ng Borongan City, Eastern Samar.

Ang pangalawang LPA (05a), ayon sa weather bureau, ay huling namataan sa layong 415 km, kanluran ng Abucay, Bataan.

Ang dalawang LPA ay inaasahang magdadala ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa, tulad ng Visayas, Bicol Region, Caraga, MIMAROPA, Metro Manila, at probinsya ng Quezon.

Sa mga naturang lugar, hindi inaalis ang posibilidad ng biglaang pagtaas ng lebel ng tubig sa mga katubigan at tuluyang pag-apaw ng mga ito na maaaring umabot sa mga mabababang komunidad.

Sa kabila ng epekto ng dalawang LPA, malabo naman ang tyansa ng mga ito na maging ganap na tropical depression sa susunod na 24 oras.

Posible ring magpatuloy pa ang epekto ng mga ito sa mga susunod na araw, kasama ang pag-iral ng isolated thunderstorm sa malaking bahagi ng bansa.