TACLOBAN CITY – Patay ang dalawang lalaki matapos silang pagsasaksakin sa Barangay Gimarco, Palompon, Leyte.

Ang mga biktima ay kinilala na sina Richard Samson at Ruel De Guzman, parehong residente ng nasabing lugar.

Ang suspek naman ay kinilalang si Rene Almerino, 33 anyos, residente ng Sitio Calunasan, Barangay Mabini, Palompon Leyte.

Ayon kay PMSgt. Alvin Auman, duty investigator ng Palompon Police Station, nag iinuman daw ang dalawang biktima sa labas ng kanilang bahay ng inaya nilang makipag usap sa kanila ang suspek na kagagaling lang sa isang sayawan.

Nagkwento daw ito na kaapelyido ng nanay niya ang biktimang si Richard pero hindi ito naniwala kaya’t paulit ulit nitong tinanong sa suspek kung totoo ang kanyang sinasabi.

Nainsulto daw at nainis ang 33 anyos na suspek kaya’t pinagsasaksak niya ang magbayaw na biktima gamit ang dala niyang kutsilyo.

Nag-angkin ang mga ito ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan na nagresulta ng kanilang kamatayan.

Boluntaryo namang sumurender sa isang tanod ang suspek at sa ngayon ay nakakulong na sa Palompon Lock Up Facility.