Ipinag-utos na ng Quezon City court kay Zaldy Ampatuan, isa sa pangunahing akusado sa 2009 Maguindanao massacre, na bumalik na ito sa kanyang dentention cell sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Ito’y matapos ang halos dalawang buwan mula nitong October 21, na pananatili sa ospital dahil sa pagdanas ng stroke.

Nabatid na unang dinala sa Taguig Pateros District Hospital si Zaldy bago inilipat sa Makati Medical Center.

Sa darating na Huwebes, Disyembre 19, ibababa na ni Quezon City Judge Jocelyn Solis-Reyes ang hatol sa naturang high-profile case ganap na alas-9:00 ng umaga sa Camp Bagong Diwa.

Si Ampatuan ay sangkot sa Maguindanao massacre noong November 23, 2009 na ikinamatay ng 58 katao na kinabibilangan ng nasa 34 na mamamahayag.

“Accordingly, the Jail Warden of Quezon City Jail-Annex, Camp Bagong Diwa, Bicutan Taguig City, is hereby directed to immediately transport accused-movant Zaldy Ampatuan to the said detention facility,” bahagi ng tatlong pahinang kautusan ni Judge Solis-Reyes na may petsang December 16.