-- Advertisements --

Naglabas ng isang joint statement ang tatlong malalaking resort-casino operators sa Pilipinas sa gitna ng dumarami pang panawagan para sa pag-regulate o tuluyan ng pagbabawal sa online gambling dahil sa masamang epekto nito kabilang na sa mga kabataan.

Iginiit ng casino operators na kinabibilangan ng Solaire Resort, Newport World Resorts at Okada Manila na regulated ang kanilang online gaming operations at responsableng pinapangasiwaan ang pagpapalawig pa ng kanilang mga operasyon.

Pinagtibay din ng mga ito ang kanilang patuloy na commitment para tumalima sa mga batas at regulasyon at iginiit na nago-operate sila nang may pinakamataas na pamantayan ng integridad at transparency.

Inihayag din ng casino operators na prayoridad nila ang ethical business practices at pagtataguyod ng responsableng paglalaro sa ilalim ng mga regulasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).

Nanindigan din ang mga ito na mayroon sila ng lahat ng kinakailangang mga lisensiya at accreditations mula sa Pagcor at striktong ipinapatupad ang mga legal requirements para sa gaming operators.

Tulad na lamang halimbawa ang pagsunod nila sa anti-money laundering, pagpapatupad ng Know-Your-Customer procedures at pagberipika sa mga naglalaro sa loob ng 72 oras mula ng magrehistro, na naggagarantiya aniya sa integridad ng kanilang mga operasyon at pagprotekta sa mga naglalaro.

Aktibo din nilang isinusulong ang responsableng paglalaro sa pamamagitan ng paggamit ng tools gaya ng self-exclusion, limitasyon sa deposito at restriksiyon sa account.

Strikto din aniya nilang ipinagbabawal ang pag-access ng mga menor de edad sa kanilang platform at inaalok ng resources ang mga indibidwal na nangangailangan ng tulong sa mga isyu sa pagsusugal at iba pa.

Ginawa ng casino operators ang pahayag kasunod ng idinulog na pagkabahala ng mga mambabatas maging ng Simbahang Katolika hinggil sa adiksiyon sa sugal sa bansa.

Nagbunsod ito sa ilang mga mambabatas na maghain ng mga panukalang batas para sa pag-regulate o tuluyan ng pagbabawal ng online gambling sa bansa.

Sa ngayon, base sa datos mula sa Pagcor, mayroong mahigit 70 gaming platforms ang legal na nakarehistro sa ahensiya.