-- Advertisements --

Nananatiling ligtas ang pagtungo sa mga tourist area sa palibot ng bulkang Taal, sa kabila ng posibilidad ng pagputok nito.

Paliwanag ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) volcanologist, Dr. Paul Alanis, posibleng magiging mahina lamang ang pagputok ng bulkan, batay na rin sa initial observation ng ahensiya.

Hangga’t hindi aniya pipilitin ng mga turista na pumasok sa mismong Taal Island, nananatiling ligtas ang mga tourist activities sa lugar, kasama na sa mga bayan na nasa palibot ng bulkan.

Posible aniyang magkakaroon ng pagbagsak ng abo o pagkakalipad ng mga volcanic ash sa iba’t-ibang lugar tulad ng bayan ng Mataas na Kahoy, Batangas, ngunit posible aniyang minimal lamang ang banta nito.

Nananatili rin aniyang ligtas ang pagtungo sa mga sikat na pasyalan sa Tagaytay City, dahil malayo na ito mula sa bulkan.

Payo ng opisyal sa mga turista, magbaon lamang ng mga facemask upang may magagamit laban sa posibleng ashfall o mga naililipad na abo, kasama na ang matapang na amoy ng asupre.

Sa kasalukuyan, binabantayan ng Phivolcs ang posibilidad ng pagputok ng naturang bulkan dahil sa pagkakabuo muli ng pressure sa loob ng bulkan.

Ayon kay Dr. Alanis, maaaring mangyari ang panibagong pagputok sa mga susunod na araw kung magpatuloy na tataas ang pressure sa loob nito, dala ng hindi makasingaw na volcanic gas.