CENTRAL MINDANAO – Dalawang mga terorista ang sumuko sa militar sa probinsya ng Cotabato at hangganan ng Maguindanao.

Ang mga rebelde ay mga tauhan ni Kumander Karialan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Sumuko ang dalawang myembro ng BIFF sa tropa ng 7th Infantry Battalion Philippine Army at dala nito ang isang M14 rifle, isang caliber .50 sniper rifle at mga bala.

Sinabi ng isang alyas Ajir na pagod na umano sila sa pakikibaka laban sa gobyerno at gusto nang mamuhay ng mapayapa kasama ang kanilang mahal na pamilya.

Ang mga sumukong BIFF ay makakatanggap ng tulong na pinansyal at livelihood assistance mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng E-clip program.

Nanawagan naman si 6th ID chief, Major General Diosdado Carreon sa iba pang mga rebelde na magbalik loob na sa gobyerno.