VIGAN CITY – Isinailalim na sa counseling ang isang 15-anyos na lalaki sa Brgy. Bulala, Vigan City, Ilocos Sur na pinaniniwalaang gumahasa sa dalawang 7-anyos na babae.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nangyari umano ang nasabing insidente noong Marso ng kasalukuyang taon ngunit nitong buwan ng Mayo lamang naipaalam sa City Social Welfare and Development (CSWD) Office at Vigan City police station.

Ito ay matapos magkaroon umano ng urinary tract infection ang isa sa mga biktima hanggang sa nasabi nito ang ginawa umano ng suspek na menor de edad at nalaman na dalawa silang nabiktima nito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni CSWD officer Cely Agcamaran na hinihintay pa umano nila ang court order para makapagsagawa sila ng case study sa nasabing pangyayari at malaman kung ginusto o hindi ng suspek ang nangyari.

Sa ngayon tanging, counseling lamang muna ang ibinigay nila sa suspek, maging sa mga magulang nito, pati na sa mga biktima at sa mga magulang nila.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here