-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Inihahanda na ng Traffic Management Division ng City Transportation and Traffic Management Department (CTTMD) nitong lungsod ng Butuan ang kasong attempted homicide na isasampa laban sa isang traffic violator na panel truck driver.

Ito’y matapos nitong tangkaing takasan ang kanyang pananagutan nang ito’y iisyuhan na sana ng citation ticket at biglang nagpapatakbo ng kanyang sasakyan kahit na kumabit na sa unahang bahagi ang enforcer upang matiyak na hindi ito makakatakas.

Ito’y lalo na’t nalagay sa alanganin ang buhay ng traffic enforcer kung ito’y nahulog mula sa tumatakbong sasakyanng minamaneho ng tumakas na si Cyrus Martinez, na residente ng Maguindanao.

Sa kasalukuyan, inaasikaso na ng ahensya ang mga dokumento para sa posibleng pagbawi ng lisensya ng driver pati na rin ang pagkansela sa rehistro ng ginamit nitong sasakyan.

Nabatid na bigla na lamang nag-u-turn ang truck na nakaparada sa JC Aquino Avenue na magde-deliver sana ng stock sa isang fast food chain.

Dahil dito, muntikan pa itong bumangga sa ibang sasakyan kung kaya’t dito na siya inaresto ng traffic enforcer, subalit tumanggi itong ibigay ang kanyang lisensya sabay takas.

Kabilang sa mga paglabag ng driver ay “No U-Turn” at “Reckless Driving” na huminto lamang matapos makasalubong ang patrol car ng Butuan City Police Station 1 habang kinakabitan ng traffic enforcer ang sasakyan.