-- Advertisements --

Biniberipika na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga napaulat na nasawi sa Metro Manila dahil sa epekto ng habagat at nagdaang bagyong Bising na nagdala ng mga mabibigat na pag-ulan na nagdulot naman ng mga pagbaha sa ilang parte ng bansa sa mga nakalipas na araw.

Nauna na ngang napaulat na isang batang babae ang nasawi matapos matangay sa tubig-baha sa kasagsagan ng kanilang paglikas sa Las Piñas City noong gabi ng Martes.

Sa panibagong ulat naman mula sa ahensiya, umakyat na sa 32,606 na pamilya o katumbas ng 103,274 indibidwal ang naapektuhan sa mga kalamidad mula sa 61 barangay sa NCR, Ilocos Region, Central Luzon at Cordillera Administrative Region (CAR).

Sa kasalukuyan, ayon sa NDRRMC, nananatili sa mga evacuation center ang nasa 104 na pamilya o 419 indibidwal habang mahigit 1,000 pamilya naman o mahigit 3,000 indibidwal ang tinulungan sa labas ng evacuation centers.

Nakapagtala naman ang ahensiya ng 16 na bahay na napinsala sa parte ng Region 3 kung saan apat na kabahayan ang ganap na nasira habang sa CAR naman 12 kabahayan ang bahagyang nagtamo ng pinsala.

Nagpapatuloy naman ang paglikom ng ahensiya ng mga impormasyon sa kabuuang pinsalang naitala sa sektor ng imprastruktura at agrikultura na iniwan ng mga kalamidad.