Patay ang dalawa habang arestado rin ang dalawang iba pang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf sa panibagong enkwentro sa probinsiya ng Sulu.

Ayon kay Western Mindanao Command (WesMinCom) Lt. Col. Gerry Besana, nangyari ang engkuwentro sa Brgy. Lihbog Kabaw, bayan ng Panglima Estino, nitong Martes ng alas-8:00 ng umaga.

Sinabi ni Besana na nagsasagawa ng focused military operations ang tropa ng 61st, 62nd at 64th Marine Companies nang makabakbakan nito ang humigit-kumulang 100 armadong mga bandido sa pamumuno ni ASG leader Radullan Sahiron, Idang Susukan at Almujer Yadah.

Wala namang naitalang nasawi o nasugatan sa panig ng mga sundalo habang nakuha mula sa mga nasawi at sugatang kalaban ang ilang matataas na kalibre ng armas.

Kasalukuyang ginagamot sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital ang dalawang sugatang ASG members para mabigyan ng karampatang atensyong medikal.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang hot pursuit operations ng mga sundalo laban sa ibang mga bandidong Abu Sayyaf.