-- Advertisements --

Nanawagan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng pakikipagdayalogo sa mga Government Financing Institutions upang matulungan ang mga operator ng jeep na nahihirapang bayaran ang kanilang mga utang sa ilalim ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na kinakailangan ang pagtutulungan ng LTFRB, mga banko sa ilalim ng pamahalaan, at iba pang institusyong pampinansyal upang mapagaan ang pasaning pinansyal ng mga kooperatiba ng jeepney at mga indibidwal na operator.

Ang magiging dayalogo ay para tiyakin ang kapakanan at pagpapatuloy ng mga transport cooperative na umutang para makabili ng modernong jeep sa ilalim ng PUV Modernization Program (PUVMP).

Umaasa si Guadiz na mapapapayag ang mga naturang banko na isaalang-alang ang moratorium o mga binagong iskedyul ng pagbabayad, lalo na sa mga kooperatibang sumusunod sa pamantayan ng LTFRB.

Matatandaan na ang Public Utility Vehicle Modernization Program ay inilunsad noong 2017 at layuning palitan ang mga lumang jeepney ng mas ligtas at makakalikasan.

Sa kabila ng malawakang paggamit ng mga modernong PUV, nananatiling hamon sa mga operator ang presyo ng isang unit na nasa mahigit 1.6M hanggang 2.4M.