Binigyang linaw ng Department of Justice na wala pang kumpirmasyon ang kagawaran kung totoong mga buto ng tao ang narekober sa bahagi ng Taal lake.
Ayon mismo kay Justice Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano, posibleng hindi buto ng tao ang laman ng mga sakong natagpuan at narekober ng Philippine National Police at Philippine Coast Guard.
Kasunod ito nang ilunsad ng naturang kagawaran ang pagsasagawa ng ‘search and retrieval operations’ sa Taal lake upang mahanap ang umano’y labi ng mga nawawalang sabungero.
Ani pa ng naturang tagapagsalita, iniiwasan ng Department of Justice na taasan ang ‘expectation’ nito sapagkat hindi lubusang tiyak kung ano ang laman ng mga sakong nakuha.
Ngunit umaasa naman aniya ang kagawaran na ginagawa ng Philippine Coast Guard ang lahat ng kanilang makakaya para sa operasyong sinimulan hinggil sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Matatandaan na isinagawa ang pagsisid sa bahagi ng Taal lake matapos isiwalat ng isang testigo na dito umano itinapon ang mga nawawalang sabungero.
Partikular kay alyas ‘Totoy’ o Julie ‘Dondon’ Patidongan, ibinunyag nito kamakailan na ang mga biktima ay inilibing umano sa naturang lokasyon o lawa.
Kaya naman ibinhagi ni Justice Spokesperson Mico Clavano na ang narekober na mga sako sa Taal lake ay planong isailalim na sa pagsusuri.
Kung saan ipinadala na aniya ng kagawaran ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation at mga piskal upang gawing ‘witness’ sa isinagawang search nd retrieval operation.
Habang wala pang kumpirmasyon kung buto ng tao nga ba ang laman ng mga narekober na sako, ibinahagi ni Justice Spokesperson Clavano na posibleng abutin ng isa hanggang dalawang araw pa bago matukoy ito sa isasagawang forensic examination.