Pumalo na umano sa 31 election-related violence incidents (ERVIs) ang naitala ng PNP.
Sa nasabing bilang, 14 rito ang nasawi, 14 ang sugatan habang 21 ang nakaligtas.
Ayon kay PNP chief Gen. Oscar Albayalde may posibilidad pang tumaas ang bilang ng mga ERVIs habang papalapit ang May 13 midterm elections.
Simula ang election period noong buwan ng Enero, lahat aniya ng police interventions ay ginagawa ng PNP para maiwasan ang mga ganitong insidente.
Giit naman ni Albayalde, mas mababa pa rin ang bilang ng ERVIs ngayong halalan kung ikukumpara nuong 2016 and 2013 elections.
Hindi naman masabi ng heneral na epektibo ang ipinapatupad nilang security measures sa halalan.
Aniya, masasabi lamang nila ito na maganda ang kanilang performance kung tapos na ang election.
Ibinunyag din ni PNP chief na may pahiwatig na nais irekumenda na isailalim sa Commission on Elections (Comelec) control ang Abra pero hanggang sa ngayon wala pang desisyon ang poll body ukol dito.
Sa ngayon tatlong lugar ang isinailalim sa Comelec control ito ay ang Cotabato City, Daraga, Albay at Moises Padilla, Negros Occidental.