-- Advertisements --

Patay at ninakawan pa ang isang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver ng kanyang mga pasahero noong Mayo 18, matapos pickup-in ang mga ito sa isang establisyemento sa Parañaque.

Kinilala ng mga awtoridad ang driver na si Raymond Cabrera at batay sa nakuhang audio ng dashcam ng sasakyan, maririnig pa ang pananaksak sa biktima.

Nakuha rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang CCTV footage na nagpapakita sa dalawang suspek na bumaba sa nakaw na sasakyan sa Valenzuela noong hapon ng Mayo 18.

“Nakita natin sa CCTV yung mga taong nagdala. Pagkababa nila sa convenience store, sumakay sila ng pedicab at kalaunan sa isa pang sasakyan,” ayon kay Atty. Joseph Martinez ng NBI.

Samantala, labis naman ang pagdadalamhati ng asawa ng biktima dahil sa sinapit ng kanyang mister na patas aniyang lumalaban sa buhay at hindi nanloko ng kapwa.

Sa kasalukuyan ay hindi pa rin natatagpuan ang katawan ni Cabrera. Ayon sa kanyang anak, hangad ng pamilya na mahanap ito upang mabigyan ng maayos na libing.

Nag-alok na sila ng P100,000 pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa mga suspek.

Nahaharap naman ang mga suspek sa kasong carnapping at robbery with homicide.